Friday, March 25, 2011
Ang mga Katangian at Asal ni Propeta Muhammad
Ang Propeta ay angkin ang kaganapan ng pagkalikha at kaganapan ng asal.
Ang damdamin ng mga tao ay ating mararamdaman sa pamamagitan ng labis na kaligayahan mula sa kanilang puso at puno ng galang o dignidad. Ang dignidad, debosyon at panukat ng Sugo ng Allah ay kakaiba at hindi mapapantayan. Walang ibang tao sa buong daigdig ang iginalang at minahal ng ganito maliban sa kanya. Ang mga taong lubos na nakakikilala sa kanya ay namangha't nabighani. Handa nilang ibuwis ang kanilang buhay alang-alang sa pagtatanggol sa Propeta upang kahit ang isa sa kanyang mga kuko ay malaya sa sakit at pinsala. Sapagkat likas ang kanyang taglay na kaganapan, kaya't labis siyang minahal ng kanyang mga Sahabah.
Ang Propeta ay binigyang-diin na ang isa sa layunin ng kanyang mensahe ay magbigay ng panuntunan sa tamang pag-aasal at mabuting pag-uugali.
Sinabi ng Allah:
"At ikaw ay pinakatampok (na maging) huwaran sa kaasalan.” [Qur'an, 68:4]
Iniulat ni Aisha sa kanyang paglalarawan sa Propeta:
“Ang kanyang pag-aasal at moral ay (salamin ng) ang Qur’an."
Ang Ganda ng Pagkalikha:
Ang paglalarawan na sinabi ni Umm Ma'bad Al-Khaza'iyah sa kanyang asawa tungkol sa Sugo ng Allah nang dumaan sa kanyang kubo sa pagalakbay nito upang mangibang-bayan sa Madinah.
Siya ay matalino at mahaba ang kanyang pasensiya. Pino ang kanyang mga asal. Hindi malaki ang kanyang bilbil o kaya'y walang buhok sa ulo. Maitim at nakakaakit ang kanyang mga mata na may mahahabang kilay. Maitim at makintab ang kanyang mga buhok na mahaba't may pagkakulot. Ang kanyang tinig ay pautos. Malaki ang kanyang ulo, mahusay ang hugis at may katamtamang leeg. Ang kanyang mga pangungusap ay malalim at maalalahanin, mahinahon at nakapagbibigay inspirasyon. Maging ang mga dayuhan ay nabighani mula sa di-kalayuan, at habang tumatagal ay kanyang naging kalapit-loob at ang pagkabighaning ito ay naging pagmamahalan at paggalang. Ang kanyang pananalita ay sadyang matamis at kakaiba. Ang kanyang mga pahayag ay payak at may batayan. Lagi siyang napapaligiran ng kanyang mga Sahabah. Sa tuwing may sasabihin siya, pinakikinggan siyang mabuti at kapag nag-utos siya, sila’y nag-uunahan upang tangkilikin ito. Isa siyang Maestro at Kumander o Pinuno. Ang kanyang mga pahayag ay naglalaman ng katotohanan at katapatan at malaya sa ano mang uri ng kasinungalingan.
Ang ugali ng Propeta ay napakapino at marangal na nakabibighani sa tao. Sinabi ni Anas na siya’y nanatiling katulong ng Propeta sa loob ng sampung taon, subalit hindi man lang siya pinagalitan ng Propetar sa kanyang mga pagkakamali. Kapag siya’y nakagawa ng mahusay na trabaho, ang Propeta ay lagi nang dumudulog sa Allah upang biyayaan siya; at kapag may nangyaring di-kanais-nais, kanyang sasabihin: “Naitakda na ito ng Allah.”
Iniulat ni Jabir bin Samurah:
Ang Sugo ng Allah ay may malawak na mukha, mapulang mata at payat na sakong.
Sinabi ni Anas bin Malik:
"Tuwid ang kanyang mga kamay at kulay kayumanggi. Hindi maputi o maitim. May halos 20 na puting buhok sa kanyang ulo at balbas. Sa ibang pag-uulat: "at may ilang puting buhok sa kanyang ulo."
Sinabi ni Al-Bara:
"Sa kanya ang pinakamagandang mukha at ang pinakamahusay na asal. Nang siya (Al-Bara) ay tinanong: "Ang mukha ba niya ay matalas katulad ng espanada?" "Hindi," sinabi niya: "Ang kanyang mukha ay katulad ng sa buwan." Ngunit sa ibang pag-uulat, sinabi niya: "Ang kanyang mukha ay bilog." Sinabi ni Ar-Rabi bint Mauwwidh: "Kapag makita mo siya, pakiramdam mo na ang buwan ay sumisikat." Sinabi ni Jabir bin Samurah: "Nakita ko siya minsan sa kabilugan ng buwan. Tinignan ko siya. Nakita kong nakasuot siya ng pulang damit. Inihambing ko siya sa buwan, at aking napag-alaman na nakakahigit pa siya kaysa sa ganda ng buwan."
Sinabi ni Abu Huraira:
"Wala akong nakitang ibang bagay na nakakahigit kaysa sa Sugo ng Allah. Tila baga ang ningning ng sikat ng araw ay gumagalaw sa kanyang mukha. Wala akong ibang nakita na mabilis ang hakbang maliban sa Sugo ng Allah. Ang lupa ay tila natitiklop palapit sa kanya sa bawa't hakbang niya. Madalas kami'y nagmamadali samantalang siya’y mahinahon.
Sa tuwing makita siya ni Abu Bakr, sabi niya:
"Siya ay matapat na pinili ng Allah, at nananawagan ng pagpapatawad. Sumisikat siyang tulad ng sa kabilugan ng buwan habang malayo sa maitim na ulap."
Madalas binibigkas ni Umar ang taludtod ni Zuhair sa paglalarawan ni Haram bin Sinan:
"Kung nangyaring ibang nilikha ka maliban sa tao, isa ka sanang buwan sa kanyang kabilugan." At dagdag pa niya: "Ang mukha ng Sugo ng Allah kapag galit ay pulang-pula."
Sinabi ni Jabir bin Samurah:
"Katamtaman ang kanyang mga paa, malambot at mag-kapantay. Ang kanyang tawa ay hindi hihigit sa ngiti lamang. Kapag nakatingin sa kanya ay mukhang may pasa sa mata, ngunit hindi naman."
Sinabi ni Anas:
"Kailan man ay hindi ako nakahaplos ng seda o mala-sedang tela na higit na malambot kaysa sa palad ng Propetar, o kaya'y naka-amoy ng pabango o anumang halimuyak na nakahihigit sa kanyang bango." Sa ibang pahayag: "Wala akong naamoy na ambergris o musk o iba pang bagay na may bango at amoy na katulad ng sa Sugo ng Allah."
Ang Kaganapan ng Diwa at ng Kadakilaan
Ang Propeta ay kilalang magaling at bihasa sa wikang Arabik. Isa siyang mahusay at matuwid na mananalumpati. Siya ay bihasa sa Arabik at sanay sa ibang wika at punto (diin) ng bawat tribo sa Arabia. Bihasa at sanay siya sa pananalita ng mga bado[1] at sa bayan. Taglay niya ang lakas at husay sa salita ng mga bado ganoon din ang linaw at tila tula ng makata na pananalita sa bayan. At higit sa lahat, nariyan ang tulong ng Allah mula sa mga pahayag sa taludtod ng Qur'an.
Ang lakas niya, pagtitiis at pagpapatawad ay hindi mapapantayan, ang mga ito ay katangian ng Allah na ipinagkaloob sa kanya. Habang siya'y nasusugatan ay lalo siyang nagiging matatag at matiisin. Kapag siya ay inaapi, lalo siyang nagiging mapagparaya at mapagtimpi
Sinabi ni Aisha:
"Ang Sugo ng Allah kapag may dalawang pagpipilian, lagi niyang pipiliin ang pinakamadaling gawin. Ngunit kapag batid niya na ito'y kasalanan, siya ay lalayo sa bagay na ito hangga't kanyang makakayanan. Siya ay hindi naghiganti para sa kanyang sarili, ngunit kapag ang bagay na nauukol sa kasagraduhan ng AllahU ang nilapastanganan kanyang ipagtatanggol ito. Siya ay para sa Allah at hindi para sa kanyang sarili. Siya ang huling magagalit at ang unang nasisiyahan. Hindi mapapantayan ang kanyang angking kabaitan at pagkamapagbigay. Ang mga regalo niya at kawanggawa ay naglalarawan sa isang tao na hindi natatakot sa kahirapan.
Ang kanyang tapang, lakas at tatag sa pagtatanggol ay kakaiba. Siya ang pinakamatapang. Sa tuwing siya ay naharap sa suliranin at kahirapan nanatili siyang matatag. Maraming pagkakataon na ang mga matatapang at kinakatakutang mga kalalakihan ay napatakbo niya, subali't siya ay nanatili mahinahon sa pagharap sa mga kaaway. Kailan man ay hindi siya tumakbo sa labanan. Kapag tumindi ang labanan, siya ay palaging nasa unahan at pinakamalapit sa mga kalaban.
Si Muhammad ay lagi nang matapat, matatag at makatarungan sa pagpapairal ng mga Banal na Kautusan. Hindi kailanman siya nagsalita ng kasinungalingan, ni nagsinungaling kaninuman, bagkus, siya ay pinakamatapat at makatarungan. Siya’y laging kabalikat ng mga naaapi. Siya’y nagpakita ng katarungan sa lahat nang walang pagtatangi sa kaibigan man o kalaban.
Lagi siyang nakatingin sa ibaba. Hindi siya nakatitig sa mukha ng ibang tao. Hangang sulyap lamang ang tingin niya sa kanila. Tapat siyang sinusunod ng lahat.
Siya ay mapagkumbaba at malaya sa anumang uri ng pagmamalaki at pagmamalabis. Ipinagbabawal niyang tumayo ang mga tao sa kanyang pagdating katulad ng ginagawa ng ibang tao sa kanilang hari.
Ang pagdalaw at pag-aliw sa mga dukha ay ang ilan sa kanyang mga kinagigiliwang gawain. Pinauunlakan niya ang anyaya ng mga alipin. Madalas niyang kasama ang mga Sahabah na wari bang hindi siya ang kanilang pinuno.
Sinabi ni Aisha:
"Siya ang nag-aayos sa kanyang sirang sapatos, nagsusulsi sa kanyang punit na damit at ginagampanan ang gawaing bahay katulad ng pangkaraniwang lalaki sa kanilang tahanan. Siya mismo ang kumukuha ng sariwang gatas sa mga tupa para sa kanya at inumin ng kanyang pamilya."
Si Propeta Muhammad ang siyang pinaka-Matapat sa kanyang kasunduan at ito ang isa sa kanyang taglay na katangian upang maitatag ang walang hangganang mabuting ugnayan at samahan sa kanyang pamilya o kaanak - ‘Silat-Ar-Rahim’. Siya ay mapakumbaba. Hindi niya pinahihintulutan na may nakasunod sa kanyang likod (alalay). Malaya ang kanyang puso't isipan sa anumang uri ng pagmamalaki maging sa kanyang mga alipin.
Ang ilan sa paglalarawan ni Hind bin Abi Hala:
Ang Sugo ng Allah ay malungkutin at pala-isip. Wala siyang mahabang pahinga. Nagsasalita lamang siyang kung kinakailangan. Tahimik siya ng mahabang panahon at kapag magsalita, wawakasan niya ang kanyang salita kasama ang kanyang panga. Ang kanyang mga pangungusap ay malawak at malalim nguni't hindi ito salat o labis sa kahulugan.
Hindi siya nagsasalita maliban sa mga bagay na mayroon siyang kinaaalaman. Kanyang itinataguyod ang ugnayang kapatiran sa kanyang mga Sahabah, at ginawa niya silang malapit sa isa't-isa na walang namamagitang inggitan sa kanila.
Bagama’t siya ay mabini at tahimik, siya’y may taglay na katapangan. Nang siya ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Islam, nagpakita siya ng pambihirang katatagan, pagpupunyagi at kagitingan.
Ang pag-aalala sa Allah ang lagi niyang ipinatutupad kapag siya'y nakaupo o nakatayo. Walang lugar o upuan na nakalaan para sa kanya. Umuupo siya sa hulihan ng pangkat, pangalawa sa huling nakaupo.
Siya ay napakabait sa mga bata, na bawa’t makita niya sa kanyang paglalakad ay binabati nang may pagmamahal.
Siya ay labis na magalang at may pusong maawain at mahabagin. Hindi siya kailanman nagsalita ng malaswa at bumigkas ng anumang masamang salita na nakakasakit sa damdam ng iba.
Siya ay huwaran, malawak ang pag-iisip, at mapagparaya na sinasaklawan ang lahat ng nilalang. Sa pagpapatupad ng hustisya, lahat sila ay pantay-pantay. Walang nakahihigit sa iba maliban sa "Taqwa[2]". Ang kanyang pagtitipon ay puno ng habag, pagpapatawad, hiya, pagtitiis at katapatan. Hindi itinataas ang tinig o magsalita ng sabayan. Ang mga bagay na hindi maaring malabag ay mananatili. Ang takot sa Allah at pagsamba ay ang kanilang pamamaraan ng pakikiramay at pagmamalasakit. Iginagalang nila ang mga matatanda at maunawain sa mga kabataan. Nagbibigay tulong sa mga may pangangailangan at inaaaliw ang mga dayuhan.
Sinabi ng AllahU:
At katotohanang ikaw (O Muhammad) ay nag-aangkin ng kapuri-puring asal at mataas na pamantayan ng pag-uugali. [Qur’an 68:4]
Ang mga ito ay katangian at asal na angkin ng Propeta ay nagdulot sa puso ng mga tao upang maging malapit at mahalin siya. Yaong mga katangian ang siyang sanhi ng kanyang katanyagan at ang panibugho ng mga tao ay napawi at sila’y magsimulang yumakap sa Islam ng maramihan.
Ang paglalarawang ito ay sadyang katotohanang hindi hihigit sa isang mabilis na pagbabalik-aral lamang o kaya’y maiksing salaysay sa pagkatao ni Propeta Muhammad. Sinikap saklawan ang buong salaysay sa katangian ng Propeta ngunit walang nararapat aangkin sa pagtataglay ng buong kaalaman sa ganap na salaysay sa katangian ng pinakadakilang nilalang sa balat ng lupa. Walang maaring makapagbigay ng buong kahusayan sa paglalarawan sa taong ito. Siya’y isang tao na palaging hinahangad ang liwanag mula sa Allah hanggang sa siya’y puno ng pamamaraan na ang pamantayan ay ang Qur’an.
Ating matutunghayan sa Qur’an:
“Ang Allah ay sumasaksi na walang tunay na diyos maliban sa Kanya;at ang mga Anghel at yaong mga may kaalaman ay sumasaksi din:Siya ay nananatiling matatag sa katarungan. Walang tunay na diyos na dapat sambahin maliban sa Kanya, ang Kataas-taasan, ang Maalam.” [Al-’Imran 3:18]
“Katotohanang nasa Sugo ng Allah ang isang magandang halimbawang dapat tularan ng sinumang umaasa (sa pagharap) sa Allah at sa Huling Araw, at lagi nang alaala ang Allah.” [Al-Ahzab - 33:21]
[1] Mga katutubo sa desyerto, palipat-lipat at walang priming tirahan. Kilala sila sa kanilang katapangan, at husay sa wikang Arabik.
[2] Takot sa poot ng AllahU. Pagtalikod sa kasamaan at pagtataguyod sa gawaing mabuti.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment