Ang lahat ng lumalabas sa labasan ng ihi at dumi ay nakasisira sa Wudo, gaya ng ihi, dumi, utot, Mani (semen), Madhy at Wady.
Kapag Mani ang lumabas ay kailangan nang magsagawa ng Ghusl. Nakapagpapawalang-bisa rin ang pagkatulog, ang paghawak sa ari na hindi nahahadlangan ng anumang kasuutan, ang pagkain ng karne ng kamelyo, at ang pagkawala ng malay.
Ang Ghusl
Ang Ghusl ay pagbubuhos ng tubig sa buong katawan sa layuning magsagawa ng Taharah: kailangang hugasan ang lahat ng bahagi ng katawan, kasama na rito ang pagmumumog at pagsinga sa tubig na ipinasok sa ilong. Nagiging sapilitan ang Ghusl kapag nangyari ang isa sa limang ito:
1. Ang paglabas ng Mani ng lalaki o babae (1) nang may kasamang pagnanasang seksuwal, gising man o tulog; ngunit kapag lumabas ang Mani nang walang kasamang pagnanasang seksuwal, hindi na kailangang magsagawa ng Ghusl. Kapag nanaginip na nakikipagtalik at wala namang nakitang may lumabas na Mani, hindi na rin kailangang magsagawa ng Ghusl; kailangan lamang ang Ghusl kapag may nakitang likido.
2. Ang pagtatagpo ng mga ari ng lalaki at babae: ang pagpasok ng dulo ng ari ng lalaki sa puwerta ng ari ng babae, kahit man walang nangyaring paglabas ng Mani .
3. Ang paghinto ng regla at Nifas: pagdurugo dahil sa pagsilang.
4. Ang kamatayan, sapagkat kailangang paliguan ang patay.
5. Kapag yumakap sa Islam ang Kafir, kailangang magsagawa siya ng Ghusl.
(1) Ang Mani para sa babae ay ang kulay puting malabnaw na likido na kadalasang lumalabas kapag nikipagtalik o nanaginip na nakikipagtalik. Iba ito sa regular na pamamasa (wetness) na dinaranas ng babae o sa vaginal discharge.
Ang mga Ipinagbabawal sa Junub
1. Ang paghawak at pagdadala ng kopya ng Qur'an at ganoon din ang pagbigkas ng talata buhat sa Qur'an—may tunog man o walang tunog, buhat sa memorya man o direktang pagbabasa mula sa Qur'an;
2. Ang pananatili sa loob ng Masjid: hindi ipinahihintulot sa Junub ni sa nireregla, ngunit ang pagdaan sa loob ay hindi masama.
3. Ang pagsasagawa ng Salah at Tawaf.
No comments:
Post a Comment