Friday, March 25, 2011

Sino si Propeta Muhammad( S.W)?

Sino si Propeta Muhammad?

“Si Muhammad ay hindi ama ng kahit na sinumang kalalakihan sa inyo, kundi siya ay Sugo ng Allah, ang pinakahuli sa lahat ng mga Propeta. At ang Allah ang Siyang walang-hanggang Nakababatid sa lahat ng bagay.” Surah Al-Ahzab 33:40

“Yaong mga pinagkalooban ng mga Kasulatan --- ang mga Hudyo at mga Kristiyano, ay kilala siya (ang Propeta Muhammad) na tulad ng pagkakakilala nila sa kani-kanilang mga sariling anak. Subali’t walang pag-aalinlangan, ang isang grupo sa kanila ay itinago ang katotohanan samantalang batid nila ito.” Surah Al-Baqarah 2:146

“At (alalahanin) nang sinabi ni ‘Eesa (Hesus) na anak ni Maryam (Maria): “O mga Angkan ni Israel! Ako ang Sugo ng Allah sa inyo, pinapatotohanan ang Tawrah na dumating bago sa akin at nagbibigay ng magandang balita hinggil sa isang Sugo na darating pagkatapos ko, na ang pangalan niya ay Ahmad (Sinabi ng Propeta: “Ako ay mayroong limang pangalan: ako si Muhammad at ako rin si Ahmad; ako si Al-Mahi na kung saan sa pamamagitan nito ay inaalis ng Allah ang Al-Kufr [kawalan ng paniniwala]; ako si Hashir, na siyang kauna-unahang bubuhaying muli sa Araw ng Muling Pagkabuhay, ang ibang mga tao ay bubuhaying muli pagkatapos noon; at ako din si Al-Aqid na wala nang Propeta pa pagkatapos ko.—Sahih Al Bukhari). Subali’t nang siya ay dumating sa kanila na may malinaw na mga palatandaan, kanilang sinabi: ‘Ito ay isang maliwanag na salamangka!’

“At sino pa ba ang nakagawa ng higit na pagkakamali kaysa sa isa na nag-imbento ng kasinungalingan laban sa Allah, gayong siya ay inaanyayahan sa Islam? at ang Allah, hindi Niya pinapatnubayan ang mga taong Dzalimun.

“Tinatangka nilang patayin ang Ilaw ng Allah (i.e. ang relihiyong Islam, ang Qur’an na ito, at si Propeta Muhammad) sa pamamagitan ng kanilang mga bibig. Subali’t pananatiliin ng Allah sa kaganapan ang Kanyang Ilaw kahit na napopoot ang mga walang pananampalataya (sa Ilaw na) ito. Walang iba kundi Siya ang nagpadala ng Kanyang Sugo (na si Propeta Muhammad) na may pamamatnubay at ‘Deen’ (isinalin bilang relihiyon) ng Katotohanan upang gawin Niya itong matagumpay sa lahat ng mga relihiyon (na gawa ng tao), kahit na mapoot pa rito ang mga Mushrikun (mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga pagano atbp.)

“O kayong mga naniniwala! Nais ninyong patnubayan Ko kayo sa isang pakikipagkalakalan na magliligtas sa inyo mula sa napakasidhing kaparusahan. Maniwala kayo sa Allah at sa Kanyang Sugo (Muhammad), magpunyagi kayo at makipaglaban sa daan patungo sa Allah sa pamamagitan ng inyong mga kayamanan at ng inyong mga sarili, ito ang makabubuti sa inyo, kung ito ay batid lamang ninyo! Surah As-Saff 61:6-11

Ito ang ilan sa mga pahayag hinggil sa katangian ni Propeta Muhammad bilang Huling Sugo. Sa katunayan, dumating sa kasaysayan ng sangkatauhan ang napakatagal na walang ipinadalang Sugo ang Allah pagkatapos ni Propeta Eesa (Hesus), na tinawag ang panahong yaon na ‘”Dantaon ng Kamangmangan o Jahiliyyah”. Ito ay umabot ng mahigit na limang daang taon--- ang mga tao noon ay namumuhay sa kadiliman at pagkaligaw, na ang mga batas na kinikilala ay batas lamang ng mga malalakas, paghamak sa karapatang pantao, pagturing sa mga kababaihan bilang mga kasangkapan na maaaring bilhin, mga patubuan o interes sa mga transaksiyon, at iba pang mga hindi makatarungang bagay. Hanggang sa dumating ang ‘Rahmah’ (awa, habag at biyaya) ng Allah at isinugo Niya si Propeta Muhammadr. Sinabi ng Allah: “Katiyakan, sa Qur’an na ito ay may maliwanag na mensahe para sa mga tao na sumasamba sa Allah. At ipinadala ka Namin ( O Muhammad) kundi bilang ‘rahmah’ para sa lahat ng mga Alamin.” Surah Al-Anbiya 21

Si Propeta Muhammad ay mula sa lahi ng mga mararangal. Ang kanyang kanununuan ay si Propeta Ismail na anak ni Propeta Ibrahim (Abraham). Siya ay isinilang sa Makkah sa taung 570 C.E. Maaga siyang naulila sa kanyang mga magulang, ipinagdadalang-tao pa lamang siya ay namatay na ang kanyang ama, at pagkasilang sa kanya, pagkaraan ng mahigit na limang taon ay namatay naman ang kanyang ina. Naranasan din niya ang magpastol ng mga tupa at lumaki siya na hindi marunong bumasa at sumulat.

Ang nagpalaki sa kanya ay ang kanyang tiyuhin (Abu Talib) na siyang pinuno ng kanilang tribo, kinikilala at iginagalang sa kanilang lipunan. Ang kanyang pagigign kabataan ay kaiba sa lahat ng mga kabataan ng taga-Makkah. Tinagurian siyang ‘Al-Amin’--- ang mapagkakatiwalaan. Ito ay dahil sa kanyang katapatan at mga kahanga-hangang katangian.

Sa edad na 25 ay nakapag-asawa siya kay Khadijah na labing-15 taon ang tanda sa kanya, na mula rin sa kinikilalang marangal na pamilya ng mga Quraish at nagkaroon sila ng anim na anak.

Sa edad na 40 ay tumanggap siya ng rebelasyon mula sa Allah sa pamamagitan ni Anghel Jibril, sa Jabal Al-Rahmah. Nagsimula muna niyang ibahagi ang katotohanang ito sa kanyang pamilya, mga kaibigan , mga kamag-anak at malalapit sa kanya.

Hindi tinanggap ng mga taga-Makkah bilang pangkalahatan ang kanyang ipinapangaral, lalung-lalo na ang mga kinikilala sa kanilang lipunan, na kung kaya, nakaranas siya ng mga pagmamalupit, maging ang kanyang mga tagasunod. Hanggang sa dumating ang kautusan ng Allah hinggil sa kanilang pangingibang-bayan na ito ang naging simula ng Hijrah Calendar ng mga Muslim.

Ang lugar na kanilang pinuntahan ay Yatrib, subali’t nang lumaon ay tinawag itong Al-Madeenah. Dito itinayo ni Propeta Muhammadr ang ‘Islamic Estate’, nagtatag din siya ng pagkakapatiran sa pagitan ng mga Muhajirun at mga taga Al-Ansar. Isa rin sa kauna-unahang itinayo niya ay ang bahay dalanginan Masjid (Mosque).

Naging mabilis ang paglaganap ng Islam, lalung-lalo na, noong nagkaroon ng Dhul-Hudhaybiyyah o ang pakikipgkasunduan ng Kapayapaan sa Hudhaybiyyah. Subali’t ilan taon pa lamang ang nakakaraan ay sinira na ng mga Kuffar na taga-Makkah ang kasunduang ito, na naging sanhi ng paglusob ng mga Muslim sa Makkah. Napunta sa kamay ng mga Muslim ang Makkah ng walang labanan na naganap, kundi mangilan-ngilan lamang. pinatawad ng Propeta ang lahat ng nagkasala sa kanya at pati na ang mga nagmalupit sa kanila. Ibinalik niya ang Makkah sa tunay na kaanyuhan nito noon---inalis niya ang mga rebulto na nakapaligid sa Ka’abah at muli nanumbalik ang kalinisan sa pagsamba sa Kaisahan ng Allah.

Bago siya namatay ay nagsagawa siya ng Hajj at ito ay ipinamalita niya sa lahat, marami ang sumama sa kanya at nagsagawa rin. Nagbigay siya rito ng mga pangaral hinggil sa karapatan ng lahat, karapatan ng mga kababaihan, ang pagkakapantay-pantay ng lahat. Arabo man o hindi at iba pang mga makatarungang bagay. Isa rin sa kanyang sinabi: ‘Iiwanan ko kayo ng dalawang bagay na kapag ito ay iyong pinanghawakan, kailanman ay hindi kayo maliligaw—ito ang Qur’an at ang aking Sunnah.’

Pagkatapos niyang magsagawa ng Hajj ay pumanaw siya pagkaraan lamang ng ilang buwan. Lahat ay nalungkot at lumuha, sapagkat mahal na mahal nila ang Propeta Muhammadr. Lumaganap ang kanyang katuruan sa iba’t ibang panig ng daigdig, hanggang sa ito ay umaabot sa atin.

Ito ang maikling talambuhay ng Propeta. Siya ay pinili ng Allah sa mula sa lahat ng sangkatauhan. Wala nang darating pang Propeta o Sugo pagkatapos niya. Ang katuruan niya ay hindi sumasalungat kailanman sa katuruan ng lahat ng mga naunang Propeta at Sugo na nauna sa kanya. Bagkus ay ipinagpatuloy niya lamang ang mga katuruan ni Hesus at ng lahat ng mga Propeta, kinukumpirma niya at pinapatotohanan kung ano talaga ang kanilang mga ipinahayag. Mababasa natin ang ilang paliwanag mula sa Qur’an:

“Katiyakan, Aming ibinaba ang Tawrah (ni Moses), na roon ay pamamatnubay at liwanag, na kung saan sa pamantayang ito hinuhukuman ang mga Hudyo ng mga Propetang isinuko ang kanilang mga sarili sa kagustuhan ng Allah. At ang mga Rabii at ang mga Klero, sapagka’t sa kanila ipinagkatiwala ang pangangalaga sa Aklat ng Allah at sila ang mga saksi hinggil dito. Samakatuwid huwag matakot sa tao kundi and (dapat na) katakutan ay Ako (O mga Hudyo) at huwag ipagbili ang Aking mga Talata para sa isang napakaabang halaga. At sinumang hindi humatol sa kung ano ang inihayag ng Allah, sila ay Kafirun.

At aming ipinag-utos sa kanila: Buhay sa buhay, mata sa mata, ilong sa ilong, tainga sa tainga, ngipin sa ngipin, at mga sugat katumbas sa nasugatan. Subali’t sinuman na kapatawaran ang iganti bilang paraan ng kawanggawa, ito ay pagkakapagbayad ng kasalanan sa kanya. At sinumang hindi humatol batay sa kung ano ang inihayag ng Allah, sila ay mga dzalimun [sumasamba sa mga diyus-diyosan at gumawa ng kasamaan—sa mas mababang antas].

At sa kanilang mga yapak, Aming ipinadala si Eesa (Hesus), na anak ni Maria, pinatotohanan ang Tawrah na naunang dumating sa kanya, at Aming ibinigay sa kanya ang Injeel, na kung saan ay pamamatnubay at liwanag at pagpapatunay sa Tawrah na nauna rito, isang pamamatnubay at paalaala para sa mga Al-Muttaqun.

Hayaan ng mga tao ng Injeel na humatol batay sa inihayag ng Allah doon. At sinumang hindi humatol batay sa inihayag ng Allah, sila ay mga Fasiqun [lumabag sa Allah sa mas mababang antas—naghimagsik, suwail] sa Allah. At aming ibinaba sa iyo (O Muhammad) ang Aklat (Qur’an) nang makatotohanan, kinukumpirma ang Kasulatan na unang dumating [kaysa] rito at [bilang isang] Muhaymin {ang ibig sabihin ay pinatutunayan ang katotohanan na naroroon o nakasulat sa Lumang Tipan at pinatutunayan din ang pagiging mali ng mga salita na idinagdag roon sa mga nauna o sa Lumang Kasulatan} sa mga ito [Lumang Kasulatan].

Samakatuwid hatulan sila batay sa kung ano ang nihayag ng Allah, at huwag sundin ang kanilang walang kabuluhang pagnanasa, [sapagka’t] ihihiwalay [ka nila] nang pagkalayu-layo mula sa katotohanan na dumating sa iyo. At kung sila ay tatalikod, samakatuwid, dapat na mabatid mabuti na katiyakang ipinasiya ng Allah ang parusahan sila sa kanilang mga kasalanan. At katotohanan, karamihan sa mga tao ang ‘Fasiqun’. [Kung sila ay tumalikod mula sa batas ng Allah] naghahangad ba sila kung gayon ng paghatol batay sa Batas ng Kamangmangan? At para sa taong may katiyakang Paniniwala, sino pa ba ang hihigit sa paghatol ng Allah?”. Surah Al-Maidah, 5:44-50

No comments:

Post a Comment