Friday, March 25, 2011

Ang Wudo'

Hindi tanggap ang Salah na walang Wudo'(1)sapagkat ang sabi ng Propeta (SAS): "Hindi tatanggapin ni Allah ang Salah ng sinuman sa inyo kapag nawalan ng saysay ang kanyang Wudo' hangga't hindi siya nagsasagawa ng Wudo'."
Kailangang ayon sa pagkasunod-sunod at tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng Wudo'. Sunnah din na magtipid sa tubig. Sa isang Hadith na isinalaysay ni Ibnu Majah, ang Propeta (SAS) ay nakakita ng isang lalaking nagsasagawa ng Wudo' kaya nagsabi siya rito: "Huwag kang magsayang, huwag kang magsayang [ng tubig]."
(1) Ang Wudo' ay ang kinakailangang paghuhugas bago magsagawa ng Salah upang maging tanggap ang Salah. Kailangan din ang Wudo' kapag magsasagawa ng Tawaf sa Ka'bah at kapag hihipuin ang talata ng Qur'an. Ang Tawaf ay ang pag-ikot ng pitong ulit sa palibot Ka'bah.
Pamamaraan ng Pagsasagawa ng Wudo'
1. Isasapuso ang Niyah (hangarin) na magsasagawa ng Wudo' nang hindi na binibigkas ang Niyah. Ang Niyah ay ang pagpapasya ng isip na gawin ang isang bagay. Pagkakatapos ay magsasabi ng bismillah .
2. Huhugasan ang mga kamay nang tatlong beses.
3. Magmumumog at isisinga ang tubig na ipinasok sa ilong. Gagawin ito nang tigtatatlong beses.
4. Huhugasan ang mukha nang tatlong beses: magmula sa isang tainga hanggang sa kabilang tainga, at mula sa mga tinutubuan ng mga buhok sa noo hanggang sa dulo ng balbas.
5. Huhugasan nang tigtatatlong beses ang kamay at braso mula sa mga dulo ng mga daliri hanggang sa siko. Magsimula sa kanan at pagkatapos ay sa kaliwa.
6. Hahaplusin ang ulo nang isang beses. Babasain ang mga kamay at pagkatapos ay ihahaplos mula unahan ng ulo (sa tinutubuan ng buhok sa noo) hanggang sa hulihan nito (sa tinutubuan ng buhok sa batok) at ihaplos pabalik sa unahan ng ulo.
7. Hahaplusin nang isang beses ang mga tainga: ipapasok ang mga hintuturo sa butas ng mga tainga habang ang likod ng mga tainga ay hinahaplos ng hinlalaki.
8. Huhugasan ang mga paa nang tatlong beses mula sa dulo ng mga daliri hanggang sa bukong-bukong. Magsimula sa kanan at pagkatapos ay sa kaliwa.
9. Pagkatapos nito ay manalangin ng panalanging ito na nasasaad sa Hadith: ash'hadu alla ilaha illallah, wahdahu la sharika lah, wa ash'hadu anna Muhammadar ras olullah.(1)

Ang Pagpupunas sa Medyas

Bahagi ng kaluwagan at kagaanan ng Relihiyong Islam ay na ipinahintulot nito ang pagpupunas sa ibabaw ng suot na medyas (sa halip na hubarin at hugasan ang paa). Ito ay napatunayang ginawa ng Propeta (SAS). Subalit ay may kundisyon ang pagpupunas sa medyas: kailangang isuot ito habang hindi pa nawawala ang bisa ng Wudo. Ang pagpupunas ay sa ibabaw nito; hindi pupunasan ang suwelas nito. Ang haba ng panahon na ipinahihintulot ang pagpapahid (mula nang unang pahiran ang suot na medyas) ay isang araw at isang gabi (24 oras) para sa hindi naglalakbay at tatlong araw at tatlong gabi (72 oras) para sa isang Musafir (naglalakbay). Nawawala ang bisa ng pagpapahid kapag natapos na ang takdang panahon nito, o kapag hinubad na ang mga medyas matapos napunasan, o kapag naging Junub(2) ang nakasuot ng medyas dahil kailangang hubarin na ito para magsagawa ng Ghusl.
(1) Sumasaksi ako na walang totoong Diyso kundi si Allah; tanging Siya lamang, wala Siyang katambal; at sumasaksi ako na si Muhammad ay Sugo ni Allah.
(2) Naging Junub ang isang tao kapag nakipagtalik siya, kapag may lumabas na semen sa kanya kalakip ng pagnanasang seksuwal, kapag dumating ang buwanang dalaw ng isang babae at habang may Nifas (pagdurugo sanhi ng panganganak).

No comments:

Post a Comment