Friday, March 25, 2011

SINO SI MUHAMMAD ?

Si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay isinilang sa Lungsod ng Makkah (o Bacca sa Bibliya) isang kilalang lungsod ng Saudi Arabia sa kasalukuyan. Siya ay isang tao na pinili ng Allah bilang huwaran ng sangkatauhan. Siya ang panghuling Sugo at Propeta ng Allah at ang kanyang mensahe ay para sa lahat ng tao.



Ang pagitan nina Propeta Muhammad at Propeta Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan) ay humigit kumulang sa 570 taon. Sa katunayan, si Propeta Hesus at Propeta Muhammad ay iisa ang pinagmulan. Ito ay si Propeta Abraham (s.n.a.k.) ang tinaguriang – Ama ng Mananampalataya. Si Propeta Hesus ay nanggaling sa lahi ni Propeta Isaac (s.n.a.k.) at si Propeta Muhammad naman ay sa lahi ni Propeta Ismael (s.n.a.k.).



Si Propeta Muhammad (s.n.a.k.) ay hindi marunong sumulat at bumasa. Siya ay kilala bilang isang mabait at mapagkakatiwalaang tao sa kanyang pook sa Makkah. Kaya naman siya ay tinaguriang “ Al Amin ”, Ang Mapagkakatiwalaan.



Noong siya ay apatnapung taong gulang, siya ay hinirang ng Allah bilang panghuling Propeta. At dito rin nagsimulang ipahayag sa kanya ang huling kapahayagan o rebelasyon ng Allah – ang Banal na Qur’an. Si Propeta Muhammad (s.n.a.k.) ay namatay sa gulang na animnapu’t-tatlo. Siya ay inilibing sa Madina, na ngayon ay isang lungsod ng Saudi Arabia.



* (s.n.a.k. – sumakanya nawa ang kapayapaan)

No comments:

Post a Comment