Ipinahihintulot ang Tayammum sa di-naglalakbay at sa Musafir (naglalakbay). Ito ay pamalit sa Wudo o Ghusl kapag ang isa sa mga sumusunod na kadahilanan ay lumitaw:
1. Kapag walang makitang tubig matapos ang masidhing paghahanap—o kung mayroon man ay hindi makasasapat para sa Wudo o Ghusl o bagaman malapit ang pinagkukunan ng tubig ay nangangambang baka may masamang mangyari sa sarili o sa ari-arian kapag umalis at kumuha ng tubig—ay magsasagawa ng Tayammum.
2. Kapag may sugat sa ilang bahagi ng katawan na kailangang hugasan, ito ay huhugasan pa rin ng tubig kapag magsasagawa ng Wudo. Ngunit kung ang paghuhugas ng tubig sa sugat ay makasasama, papahiran na lamang ang sugat: babasain ang kamay at ihahaplos nito sa sugat. Kung ang pagpapahid ay makasasama pa rin dito, magsasagawa na ng Tayammum para rito:@@@ magsasagawa muna ng Wudo—huhugasan ang maaaring hugasan at ang bahagi na hindi maaaring hugasan o pahiran ay hahayaan—at pagkatapos ng Wudo' ay magsasagawa ng Tayammum.
3. Kapag ang tubig o ang klima ay lubhang malamig at nangangambang ang paggamit ng tubig ay baka makapinsala.
4. Kung may tubig man ngunit ito ay lubhang kailangan para sa inumin, magsasagawa na rin ng Tayammum.
Ang Pagsasagawa ng Tayammum
1. Isasapuso ang hangaring magsasagawa ng Tayammum.
2. Bibigkasin ang bismillah.
3. Itatapik nang isang beses ang mga palad sa tuyong lupa.(1)
4. Ihahaplos nang isang beses ang mga palad sa mukha.
5. Ihahaplos ang kaliwang palad sa kanang kamay at pagkatapos ay ihahaplos naman ang kanang palad sa kaliwang kamay nang tig-iisang beses.
Ang nakasisira sa Tayammum ay ang nakasisira rin sa Wudo'. Nawawala ang bisa ng Wudo' kapag nagkaroon na ng tubig ang isang walang tubig bago nagsagawa ng Salah o samantalang ito ay nagsasagawa nito. Subalit kapag nakatapos na siyang magsagawa ng Salah ay saka pa lamang nagkaroong ng tubig, tanggap pa rin ang kanyang Salah.(2)
(1) Maliban sa tuyong lupa, maaari rin ang kahit anong bagay na may alikabok gaya ng pader, dingding, bato, buhangin, at iba pa.
(2) Nawawala rin ang bisa ng Tayammum kapag ang mga hadlang sa pagsasagawa ng Wudo' at Ghusl ay nawala.
No comments:
Post a Comment